Pumanaw na ang OPM legend na si Hajji Alejandro, kilala sa kanyang signature song na “Kay Ganda ng Ating Musika.” Kinumpirma ng kanyang pamilya ang balita at humingi sila ng privacy habang nagluluksa. Si Hajji ay may tatlong anak — sina Rachel, Barni, at Ali.
Bago siya nag-solo career, naging miyembro muna si Hajji ng Circus Band kasama sina Basil Valdez, Tillie Moreno, at iba pang artists. Tinawag siyang "Kilabot ng mga Kolehiyala" dahil sa kanyang charm at galing sa pagkanta lalo na noong campus tours niya noong 1970s.
Noong 1978, sumali siya sa Metropop Music Festival at nanalo gamit ang “Kay Ganda ng Ating Musika” na sinulat ni Ryan Cayabyab. Nanalo rin siya ng Grand Prix sa Seoul Song Festival sa Korea—isang malaking karangalan para sa musikang Pilipino.
Noong mga huling taon niya, sumama si Hajji sa mga concert tours gaya ng "Four Kings and a Queen” kasama sina Rey Valera at Pops Fernandez. Nag-perform din siya sa Australia at sa "Awit ng Panahon" concert sa New Frontier kasama ang ibang OPM legends.
Pumanaw si Hajji matapos ang laban niya sa stage 4 colon cancer na kumalat sa kanyang baga at atay. Huling nakita siya noong 70th birthday niya na masaya pa rin kasama ang pamilya at mga kaibigan. Sobrang laki ng naiambag ni Hajji sa OPM, at hindi malilimutan ang kanyang legacy sa musika.