
Isang 65-anyos na lolo sa Baguio City ang nasawi matapos mabundol ng isang pick-up truck habang siya’y naglalakad malapit sa kanilang bahay sa Marcos Highway.
Ayon sa ulat bandang Sabado, April 12, 2025, bibili sana ng tubig ang biktima nang bigla siyang banggain ng sasakyang minamaneho ng driver na umano'y nakapikit o nakaidlip habang bumibiyahe. Dahil sa bilis ng pangyayari, tumilapon ang matanda at bumangga pa sa pader kahit sinubukan niyang umiwas.
Sabi ni Police Major Mary Grace Marron, "Binabagtas po ng driver ang Marcos Highway nang makatulog siya at lumihis sa kabilang lane. Sa kasamaang-palad, naroon naman ang biktima na tumatawid."
Dinala pa sa ospital ang matanda pero hindi na siya nakaligtas. Ayon sa kanyang pamilya, halos 40 taon siyang taxi driver at ni minsan ay hindi nasangkot sa aksidente. Kaka-retire pa lang daw niya bago nangyari ang trahedya.
Hawak na ngayon ng pulisya ang driver at haharap ito sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at damage to property. Maaari rin siyang maharap sa pagbabayad ng danyos na aabot sa daan-daang libong peso bilang kapalit ng pinsala’t pagkawala ng buhay.