
Dalawang construction workers ang natabunan matapos bumagsak ang bahagi ng isang ginagawang gusali sa Barangay Sto. Domingo, Santa Rosa, Laguna nitong Linggo ng umaga, Abril 13. Ayon sa hepe ng Sta. Rosa police na si Lt. Col. Benson Pimentel, ang mga biktima ay edad 29 at 42 taong gulang.
Dakong 4:00 ng hapon, na-rescue ng mga tauhan mula sa Santa Rosa City Disaster Risk Reduction and Management Office at kapulisan ang dalawang trabahador. Agad silang isinugod sa ospital dahil wala silang malay nang matagpuan.
Habang nagbubuhos ng semento ang dalawa sa ikalawang palapag ng gusali, bumigay ang scaffolding na kanilang tinutungtungan. Dahil dito, bumagsak ang palapag, dahilan para madamay sila sa pagkaguho. Ayon kay Pimentel, hindi pa masabi kung sila ay nasawi, at hinihintay ang kumpirmasyon ng doktor.
Nagtungo rin si Mayor Arlene Arcillas sa lugar para personal na makita ang sitwasyon. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang totoong dahilan ng insidente.
Humihingi pa rin ng pahayag mula sa management ng construction firm at may-ari ng gusali ang mga otoridad. Patuloy ang pag-monitor sa kondisyon ng dalawang trabahador na kasalukuyang ginagamot.