
Isang OFW na nagtatrabaho bilang guro sa Mandalay, Myanmar ang kumpirmadong nasawi sa lindol na may lakas na 7.7 magnitude noong Marso 28, 2025. Kinilala siya ng kanyang asawa na si Kat Cruz-Aragon bilang si Francis Aragon, dating guro sa Vicente Madrigal Integrated School sa Binangonan, Rizal.
Ayon kay Kat, ang katawan ng kanyang asawa ay natagpuan sa gumuhong gusali ng Sky Villa, at kinilala ito base sa body marks, gamit, at passport. Na-cremate na ang katawan ni Francis at dinala ang mga abo sa Philippine Embassy sa Yangon.
Ilang oras bago ang lindol, nakausap pa ni Kat si Francis. “Normal na usapan lang sa umaga, kapag may connection siya, tumatawag siya,” kwento niya. May dalawa silang anak na edad 2 at 4, pero hindi pa niya sinasabi sa mga bata ang tungkol sa pagkamatay ng kanilang ama.
Si Francis ay 10 buwan pa lang nagtatrabaho sa Myanmar bago nangyari ang trahedya. Plano sana nila na makapag-ipon siya at makasama ang buong pamilya sa ibang bansa. Inalala ni Kat ang kanilang 17 taon bilang mag-asawa, at nagpapasalamat siyang natagpuan ang katawan ng kanyang asawa.
Nag-iwan si Francis ng magandang alaala bilang isang masayahing ama at mapagmahal na asawa. “Alam ko nasa mabuting kalagayan ka na. Asahan mong iingatan ko ang mga anak natin. Mahal na mahal ka namin,” ani Kat.