
Lima ang nasawi at siyam ang nasugatan matapos mahulog ang isang tourist van sa bangin sa Sagada, Mt. Province noong Biyernes ng gabi. Ayon sa pulisya, ang van ay nahulog mula sa 50-meter na taas at lumagpak sa ilog sa bahagi ng Ampawilen, Poblacion.
Ang mga biktima ay kinabibilangan ng tatlong lalaki at dalawang babae na dead on the spot. Dinala naman sa Bontoc General Hospital ang siyam na sugatan para sa gamutan. Ayon sa imbestigasyon, may sakay na 12 turista, isang tour coordinator, at ang driver ang van na patungong Buscalan, Kalinga para bisitahin si Apo Whang Od.
Sabi ng PNP Cordillera, maaaring flat tire ang naging sanhi ng aksidente, pero iniimbestigahan pa ang totoong dahilan. Hindi raw madulas ang kalsada at sementado ang daan, pero may nakitang metal scratch sa lugar.
Ayon sa asawa ng driver, nanaginip siya na may nangyaring aksidente noong gabi bago umalis ang mister niya. Matagal na raw nagda-drive ang kanyang asawa sa rutang iyon, kaya naguguluhan sila kung paano ito nangyari.
Ang van ay pag-aari ng mag-asawa at nirerenta ng travel agency para sa mga joiners’ tour. Nakumpirma rin ng PNP na ito ay rehistrado bilang tourist transport service.