Kinasuhan ang 65-year-old action star na si Jean-Claude Van Damme sa Romania dahil umano sa pagkakasangkot sa isang kasong human sex trafficking. Ayon sa ulat, noong dumalo siya sa Cannes Film Festival, tinanggap daw niya ang limang babae bilang “regalo” mula sa isang sindikato na pinamumunuan ng Romanian businessman na si Morel Bolea.
Dalawa sa mga babaeng ibinigay sa kanya ay mga Romanian models na hanggang ngayon ay nasa panganib pa rin. Ayon sa abogado ng isa sa mga biktima, si Atty. Adrian Cuculis, alam daw ni Van Damme na ang mga babae ay biktima ng sex trafficking ngunit nakipag-sex pa rin umano siya sa kanila. Dagdag pa niya, nasa matinding emotional at physical stress ang mga biktima dahil sa sinapit nila.
Ang kaso ay isinampa ng Romanian Organized Crime and Terrorism Investigation Department. Dahil sa ang insidente ay nangyari sa Cannes, France, kailangan munang aprubahan ng French Supreme Court ang extradition request para maipatawag si Van Damme at maharap sa imbestigasyon at paglilitis sa Romania.
Si Van Damme ay kilala sa kanyang martial arts background at mga sikat na pelikula gaya ng Bloodsport, Hard Target, at Universal Soldier. Noong 1993, nakipag-collab siya sa Hong Kong director na si John Woo, na naging matagumpay sa takilya. Ngunit sa paglipas ng panahon, humina ang kanyang career sa Hollywood at unti-unting nawala sa spotlight.