
Isang 22-buwan na batang lalaki, anak ng social media influencer na si Lindsay Dewey, ang pumanaw matapos mabagsakan ng mabigat na salamin sa kanilang bahay.
Sa kanyang Instagram stories, ikinuwento ni Lindsay ang malungkot na pangyayari. Ayon sa kanya, naglalaro ang kanyang anak na si Reed gamit ang isang suction cup bowl, at idinikit ito sa salamin. Habang sinusubukan niyang tanggalin, nahila niya ito at bumagsak ang salamin sa kanya.
Hindi umano niya narinig na may nilalaro si Reed malapit sa salamin. Narinig lang niya itong bumagsak, kaya agad niya itong itinaas. Nang makita niya ang anak, gising ito pero hindi umiiyak, kaya inakala niyang ayos lang ito.
Pero napansin niyang may malubhang tama sa ulo si Reed. Nadurog ang kanyang bungo dahil sa pagbagsak ng salamin, na nagdulot ng severe traumatic brain injury. Napunta siya sa coma at kalaunan ay pumanaw.
Ayon kay Lindsay, hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makapaniwala sa nangyari. Ibinahagi niya ang kanilang kwento para maging babala sa ibang magulang.
"Hindi namin gustong mangyari ito sa iba. Maraming tao ang napaisip kung ano ang mga hindi naka-angkla na gamit sa bahay nila. Sana ay maging aral ito para sa lahat," sabi ni Lindsay.