Patuloy ang paghahanap sa mag-asawang Alexis Gale at Edsil Jess Adalid, na nawawala matapos ang 7.7 magnitude na lindol sa Mandalay, Myanmar noong Marso 28, 2025. Sa isang video ni Bayan Patroller Rojan Talita, makikita siyang tinatawag ang pangalan ng mag-asawa sa harap ng gumuhong Sky Villa condominium, kung saan sila nakatira. Ayon kay Rojan, nakita niya ang brown jacket ni Edsil sa lugar ng insidente.
Si Edsil ay isang guro sa Mandalay International School of Acumen, habang si Alexis ay kaibigan ni Rojan. Kasama sila sa apat na Filipino na hindi pa rin natatagpuan matapos ang lindol. Ilang personal na gamit ni Alexis, tulad ng puting sandals, asul na damit, at computer chair, ang natagpuan malapit sa gumuhong gusali.
Kwento ni Rojan, kumakain sila ng tanghalian kasama ang iba pang Pinoy teachers nang biglang lumindol bandang 12:40 PM. Agad silang tumakbo sa open field para sa kaligtasan, at nakita niyang bumagsak ang pader at pintuan ng kanilang paaralan. Nag-panic ang maraming estudyante at guro, lalo na ang mga unang beses pa lang naka-experience ng ganitong kalakas na lindol.
Sa ngayon, pansamantalang pinatira ng school administration si Rojan at iba pang guro sa loob ng paaralan. May solar panel ang kanilang paaralan kaya may kuryente, pagkain, tubig, at WiFi silang nagagamit. Nagtutulungan din ang Filipino community sa pagbibigay ng damit at iba pang pangangailangan para sa mga naapektuhan ng lindol.
Sa kabila ng sitwasyon, hindi pa planong umuwi ni Rojan dahil siya ang breadwinner ng kanyang pamilya sa Dumaguete City. Samantala, patuloy pa rin ang paghahanap sa mag-asawang Adalid habang umaasa ang kanilang mga kaibigan at pamilya na ligtas pa rin sila.