
Si rapper Sean Kingston at ang kanyang ina na si Janice Turner ay nahatulang guilty sa federal wire fraud matapos ang paglilitis sa Fort Lauderdale, Florida noong Marso 28.
Ang dalawa ay sinampahan ng limang kaso ng wire fraud, kabilang ang isang kaso ng conspiracy to commit wire fraud at apat na kaso ng wire fraud. Ang kanilang sentensiya ay itinakda sa Hulyo 11, 2025.
Sa Estados Unidos, ang wire fraud ay isang uri ng panloloko gamit ang telecommunication o internet, na may maximum na parusang 20 taon sa kulungan.
Si Kingston, 35, na sumikat sa kantang Beautiful Girls, at ang kanyang ina, 62, ay inaresto sa California noong Mayo 2024 matapos salakayin ng SWAT team ang mansyon ng rapper sa South Florida.
Ayon sa mga piskal, ginamit ng mag-ina ang kasikatan ni Kingston upang makuha ang tiwala ng mga luxury businesses, ngunit hindi nagbayad para sa mga mamahaling produkto. Kasama sa $1M (PhP 57.4M) na scam ang panloloko sa isang jewelry shop, luxury bed company, at exotic car dealership.
Itinanggi ng dalawa ang lahat ng paratang.
Ayon sa ulat ng NBC News, naiyak sina Kingston at Turner nang basahin ang hatol.
Sinabi naman ni Humberto Dominguez, abogado ni Turner, na sinusubukan lamang ng ina na protektahan ang kanyang anak mula sa umano’y manlolokong biktima.
Samantala, si Kingston ay mananatili sa house arrest na may electronic monitoring, habang ang kanyang ina ay mananatili sa federal custody hanggang sa kanilang sentensiya sa Hulyo.
Noong Biyernes, nag-post si Kingston ng isang Instagram story para sa kanyang ina:
"Ikaw lang ang aking reyna magpakailanman. Mahal kita! Pangako, hindi ito ang katapusan!"