
Isang malakas na 7.7 magnitude na lindol ang yumanig sa Myanmar noong Biyernes, na nagdulot ng malawakang pinsala at nag-iwan ng higit 1,600 patay. Ayon sa BBC Burmese, patuloy na tumataas ang bilang ng mga nasawi, habang siyam naman ang naitalang patay sa Thailand. Sa Mandalay, desperadong naghuhukay gamit ang kamay ang mga residente upang mailigtas ang mga natrap sa gumuhong gusali dahil sa kakulangan ng rescue equipment.
Dahil sa matinding pinsala, pansamantalang isinara ang mga paliparan sa Naypyitaw at Mandalay, habang bumagsak naman ang control tower sa Naypyitaw. Ayon sa National Unity Government (NUG), mahigit 2,900 gusali, 30 kalsada, at 7 tulay ang nawasak. Sa Bangkok, patuloy ang rescue operations sa isang 33-palapag na gusali na gumuho, kung saan 47 katao ang nawawala, kabilang ang ilang manggagawa mula Myanmar.
Nagpadala ng tulong ang iba’t ibang bansa, kabilang ang China ($13.77 milyon), India (40 tonelada ng relief goods), U.S., Russia, Malaysia, at Singapore. Dumating na rin ang Chinese rescue team sa Yangon at magtutungo sa mga apektadong lugar upang tumulong sa search and rescue efforts. Samantala, hospitals sa central at northwestern Myanmar ay nahihirapan sa dami ng sugatan, lalo na’t maraming kalsada ang hindi madaanan.
Sa Mandalay, maraming residente ang umaasang may darating na tulong, ngunit ayon sa isang nakaligtas, “Walang sapat na rescue equipment o sasakyan, kaya mano-mano ang ginagawa namin.” Sa Bangkok naman, ginagamit ang search-and-rescue dogs, drones, at excavators upang hanapin ang mga nakaligtas sa gumuhong gusali. Isang babaeng naghahanap sa kanyang pamilya ang nagsabi, “Paulit-ulit kong tinatawagan ang kapatid ko, pero walang sumasagot.”