
Natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkules ang mga larawan at videos ng naval ships, kabilang ang sa ibang bansa, mula sa gadgets ng mga pinaghihinalaang espiya sa Subic Bay. Ang pitong suspek—limang Chinese nationals, isang Cambodian, at isang Pilipino—ay inaresto noong Marso 19 sa Grande Island matapos mamatyagan dahil sa kanilang kahina-hinalang kilos na may kaugnayan sa pagkuha ng sensitibong impormasyon tungkol sa critical infrastructure.
Ayon sa imbestigasyon, nagpapanggap ang mga suspek bilang mangingisda ngunit gumagamit ng high-tech drones sa ilalim ng dahilan na ito'y pang-transport ng pain. Natuklasan ng mga awtoridad na ginamit nila ito sa pagsubaybay sa mga naval ships sa paligid ng isla. Narekober ng NBI ang mga larawan ng isang US naval vessel at surveillance photos ng isang Philippine naval base.
Dahil sa estratehikong lokasyon ng Grande Island, posible raw na ginamit ito ng grupo upang manmanan ang galaw ng mga barkong pandigma na dumadaan sa Subic Bay. Ayon kay NBI Spokesperson Ferdinand Lavin, masusing iniimbestigahan ang mga narekober na data at gadgets upang malaman kung konektado ito sa mga naunang kaso ng espiya sa bansa.
Bukod sa surveillance gadgets, inaalam din ng NBI at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang status ng isang resort sa isla na inuupahan ng isang dayuhang kumpanya. Dati itong bukas sa publiko, ngunit mahigpit na ang access mula nang mailipat ito sa isang foreign lessor.