Isang 2-anyos na bata ang hinostage sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City, pasado alas-10 ng gabi noong Marso 25, 2025. Ayon kay Carlos Malinao, lolo ng bata, biglang pumasok sa bahay nila ang 41-anyos na suspek na may dalang itak at agad na kinuha ang bata. Kakilala nila ang suspek dahil kaibigan ito ng ama ng bata.
Matapos kunin ang bata, inutusan sila ng suspek na dalhin siya sa Los Baños, Laguna, kung saan nakatira ang kapatid nito. Dahil sa takot, sumunod sila at sumakay ng jeep, kasama ang asawa ng suspek at ang mga magulang ng bata. Habang nasa biyahe, binabantaan sila ng suspek na papatayin ang bata. Si Malinao mismo ang nag-drive papuntang Los Baños, habang tinututukan ng itak ang bata.
Pagdating sa Quezon Memorial Circle, nagalit ang suspek dahil sa ambulansyang nakaharang sa daan. Bigla itong bumaba ng jeep bitbit ang bata at sumakay sa isang van para tumakas. Maya-maya, bumaba rin ito, tapos umangkas sa motorsiklo, pero sinuntok niya ang driver, kaya natumba sila. Dito na siya inaresto ng mga pulis at barangay officials.
Nasugatan ang bata at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital. Sugatan din ang ama ng bata matapos siyang tagain ng suspek, habang sinuntok naman ng suspek ang ina habang nasa loob ng jeep. Isang pulis rin ang nasaktan sa insidente. Samantala, sinubukan pang tumakas ng suspek habang nasa loob ng police mobile, kaya nagtamo rin siya ng sugat.