
Si Juan Paulo Mindo, o “Pau-Pau” sa kanyang mga kaibigan, ay isang masipag at mabait na anak. Noong bata pa siya, pangarap niyang magtrabaho sa hotel management, pero habang nag-aaral sa college, nagtrabaho siya bilang call center agent para matustusan ang kanyang pangangailangan. Nagustuhan niya ang trabaho at natulungan niya rin ang kanyang ina, si Stella, na isang caregiver sa Mongolia. Dahil dito, nagdesisyon siyang tumigil sa pag-aaral at mag-focus sa trabaho.
Nagkaroon ng malaking oportunidad si Paulo nang ialok siya ng employer ng kanyang ina na magtrabaho bilang waiter sa Mongolia. Masaya siya sa pagkakataong ito dahil bukod sa mas magandang kita, makakasama na rin niya ang kanyang ina. Nakatakda sana siyang lumipad patungong Mongolia sa 2026, ngunit hindi na ito natupad.
Nasawi si Paulo noong Marso 23, matapos mabangga ang kanyang motor ng isang fire truck sa Mandaue City. Ang nasabing fire truck ay rumesponde sa isang sunog sa Barangay Paknaan, kaya marami ang nagtatalo kung sino ang may kasalanan sa aksidente. Dahil dito, nanawagan ang kanyang ina sa publiko na maging maingat sa kanilang mga komento, kasabay ng kanyang planong magsampa ng kaso laban sa driver ng fire truck.
Si Paulo ay kilala bilang isang mabait at mapagmahal na anak at kapatid. Malapit siya sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang ate, at hindi siya nagbigay ng sakit ng ulo sa kanyang mga magulang. Nang magkaroon siya ng trabaho, madalas niyang binabahagi ang kita sa kanyang ina. Ikinararangal siya ni Stella dahil sa kanyang sipag at kabutihang-loob.