Isang call center agent ang namatay matapos mabiktima ng hit-and-run sa Bgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City nitong madaling araw ng Martes.
Kinilala ng mga kaanak ang biktima bilang si Den John Viaje, 29-anyos, isang residente sa lugar.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) Station 4, mga alas-dos ng madaling araw, nahagip sa CCTV ang biktima habang tumatawid sa Quirino Highway malapit sa Pagkabuhay Road.
Bigla siyang nabangga ng puting sasakyan na papunta sa direksyon ng Mindanao Avenue.
Nasa pedestrian lane ang biktima nang mangyari ang insidente, pero hindi huminto ang sasakyan at tumakas ito.
Dinala pa sa ospital ang biktima pero kalaunan ay binawian ng buhay.
Sa isang mensahe, nanawagan ang kanyang kapatid na si Kris Viaje sa sinumang may impormasyon tungkol sa plate number o pagkakakilanlan ng driver na makipag-ugnayan sa kanila o sa pulisya.
Samantala, tiniyak ng QCPD na patuloy nilang iniimbestigahan ang kaso at gumagamit ng backtracking para mahanap ang may sala.