Dinala sa ospital si Tony Yang, nakatatandang kapatid ni dating presidential economic adviser Michael Yang at umano’y POGO financier, dahil sa suspected tuberculosis, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ayon kay PAOCC spokesman Winston John Casio, isinugod si Tony Yang sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City, Taguig noong Lunes matapos magreklamo ng matinding sakit sa dibdib.
Tatlong araw na umano siyang inuubo ng dugo at ipinakita pa ang kanyang dugong may bahid na panyo sa isang PAOCC officer.
Na-diagnose siya ng doktor na may suspected tuberculosis at chronic obstructive pulmonary disease (COPD). Matapos siyang ma-discharge, bumalik siya sa PAOCC custody habang hinihintay ang confirmatory test results.
Nakilala rin si Tony Yang sa mga pangalang Yang Jian Xin at Antonio Lim. Nahuli siya sa Ninoy Aquino International Airport noong Setyembre 2024 bilang isang undesirable alien matapos lumapag mula sa Cagayan de Oro City.
Samantala, ini-isolate ng PAOCC ang anim na dayuhang detainees na may influenza at respiratory infections sa kanilang custodial facility sa Pasay.