
Arestado ang isang 37-anyos na magsasaka matapos niyang hatawin ng itak ang kanyang kapitbahay sa Sitio Tabok 3, Brgy. Adlaon, Cebu City noong Lunes, Marso 24 dahil umano sa dating alitan.
Ang suspek ay kinilalang si Juan Arcayan Bordadora, habang ang biktima ay si Adolfo Laurito Jr., 45-anyos.
Ayon sa ulat ng pulisya, isang residente ang nakakita kay Bordadora na dumating sa lugar bandang 11:40 p.m. Lumapit siya kay Laurito at bigla itong hinack gamit ang matalim na armas.
Sinubukan tumakas ni Laurito pero nahulog siya sa bangin at bumagsak sa isang puno ng kawayan.
Agad na tumakas ang suspek papunta sa bundok, habang isang barangay councilor ang nag-report sa pulis.
Pagdating ng mga pulis, nakita nilang nakahandusay at duguan si Laurito sa ilalim ng puno ng kawayan. Dinala agad siya sa Vicente Sotto Memorial Medical Center para malapatan ng lunas.