
Maagang dumating ang mga miyembro ng Manibela sa Caruncho Avenue, Pasig City nitong Martes para ipagpatuloy ang kanilang transport strike. Bitbit ang mga plakard na may mensaheng "No to Jeepney Phaseout", sinimulan nila ang programa bandang 8:00 AM. Ayon sa mga miyembro, handa silang magtagal sa lansangan para ipaglaban ang kanilang hanapbuhay laban sa jeepney consolidation at phaseout.
Ayon kay Jose Mamungay, isang driver at operator, napakalaki ng gastos para makasali sa consolidation. Stella Delas Alas, asawa ng jeepney driver, idiniin naman na hindi sila tutol sa modernization pero gusto nilang mapanatili ang kanilang pag-aari. Dagdag pa ni Racquel Samarita, asawa rin ng jeepney driver, "Hanggang sa kamatayan, lalaban kami! Laban, Manibela!"
Sa kabila ng transport strike, sinabi ng LTFRB na hindi nito nabulabog ang pampublikong transportasyon. Sa Pasig, halos walang stranded na commuters. Ayon kay Angelu Bonifacio, isang pasahero, "Mabilis lang din naman, wala pang 30 minutes." Ganun din ang pahayag ni JC Saquiton, na hindi rin nahirapang sumakay.