China — Nauwi sa hindi inaasahang insidente ang biruan ng isang magkasintahan matapos subukang gayahin ang isang viral online trend kung saan isinubo ng lalaki ang kamay ng kanyang kasintahan. Sa halip na katuwaan, ang biro ay nauwi sa emergency room.
Ayon sa video na kumakalat online, makikita ang lalaki na may nakasubo ang kamay ng nobya sa kanyang bibig—ngunit bigla itong hindi na maalis. Habang tumatagal, makikitang hirap na huminga ang lalaki, nagsimulang lumuwa ang laway, at nagpapakita ng labis na pananakit sa kanyang mukha.
Dahil sa patuloy na pagkakabara ng kamay sa kanyang lalamunan, napilitang magtungo ang dalawa sa ospital habang naka-“dikit” pa rin sa isa’t isa. Ang buong insidente ay naitala pa ng kanilang mga kaibigan, na ngayo’y kumalat sa social media.
Batay sa ulat, ginaya ng magkasintahan ang isang nakakatawang video online na nagpapakita ng lalaking “kinakain” ang kamay ng nobya. Hindi nila inaasahan na magdudulot ito ng panganib, lalo’t ang kamay ng babae ay tila naipit sa lalamunan ng lalaki.
Sa kabutihang palad, matagumpay na naalis ang kamay matapos ang medikal na interbensyon, at walang matinding pinsala ang natamo ng dalawa.
Samantala, ang insidente ay umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens. May mga nagkomento ng “Wala na talagang gamot sa kabobohan,” “Mukhang namaga ang kamay ng babae,” “Ngayon lang ako nakakita ng halos mabulunan dahil sa kamay ng nobya,” at “Grabe, dapat may espesyalistang humawak nito!”