Apat na dayuhang hiker na ilang araw nang nawawala sa kabundukan ng Negros Oriental ay matagumpay na nasagip nitong Sabado, ayon sa mga lokal na awtoridad. Isang araw bago nito, natagpuan na rin ang dalawa nilang kasama na ligtas.
Ang anim na hiker, na mula sa Germany, Britain, Russia, at Canada, ay umalis noong Miyerkules para sa isang 4-hour hike pero na-stranded dahil sa malakas na ulan at zero visibility.
Ayon sa isang Facebook post, natagpuan ang huling apat na hiker bandang 9:44 AM (0144 GMT) malapit sa Hydropower Plant sa Silab, Amlan, malapit sa Balinsasayao Twin Lakes Natural Park.
Ang apat na natagpuan ay sina Aldwin Fink (60) at Wolfgang Schlenker (67) mula sa Germany, Anton Chernov (38) mula sa Russia, at isang 50-anyos na Canadian na si Terry.
Ayon sa Amlan Rescue Office, kasalukuyan nang ibinababa ang mga hiker mula sa bundok.
Sa mga larawang inilabas ng lokal na pulisya, makikita ang isang hiker na may sugat sa binti habang kausap ang mga rescuer sa loob ng ambulance, at isa pang nakabalot ng kumot sa stretcher.
Naunang natagpuan ang dalawa pang kasama nila na sina Torsten Martin Groschupp (58) at Alexander Radvanyi (63) noong Biyernes ng umaga.
Ayon kay Dr. Sheryl, isang local health officer, hindi dehydrated ang mga hiker dahil nakainom sila ng tubig mula sa lawa at may baon pang snacks ang isa sa kanila.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, malaki ang posibilidad na nawala sila dahil sa masamang panahon at mahirap na trail. Wala rin silang guide sa pag-akyat.
Ayon kay Henry Japay, isang pulis sa Valencia, nagkaroon ng zero visibility dahil sa ulan kaya posibleng huminto muna ang grupo at naghanap ng silungan.