Isang 13-anyos na bata ang naitalang pinakabatang kaso ng HIV sa Palawan na nakuha sa pakikipagtalik, ayon sa ulat ng GMA Super Radyo Palawan DYSP. Ayon sa City Health Office (CHO) at Amos Tara Community Center, patuloy na tumataas ang bilang ng HIV cases, lalo na sa mga menor de edad sa probinsya.
Base sa datos ng CHO, may 17 kaso ng HIV sa mga batang edad 14 pababa, kabilang ang pinakabatang pasyente, isang sanggol na nahawa mula sa kanyang ina. Samantala, 391 kaso ang naitala sa edad 15-24, 593 kaso sa edad 25-34, 187 kaso sa edad 35-49, at 22 kaso sa edad 50 pataas. Sa buong MIMAROPA, Puerto Princesa ang may pinakamaraming kaso, na may 709 mula sa kabuuang 1,198 kaso sa Palawan simula 1988.
Ang RedTop Center sa Ospital ng Palawan (ONP) ang nag-iisang treatment hub sa probinsya at kasalukuyang may 1,210 pasyente. Kahit may libreng HIV testing, maraming residente ang ayaw magpa-test dahil sa takot o kakulangan sa impormasyon. Ang ilan ay hindi alam ang kanilang HIV status, habang ang iba ay tumatanggi sa gamutan kahit positibo sila sa virus.