Pagsapit ng dapit-hapon sa isang dalampasigan sa Hong Kong, halos isang dosenang Pilipinong migrant workers ang nagbukas ng kanilang phone flashlights at inilagay ito sa paligid ng larawan ng kamaong nakasara — isang simbolo ng suporta kay Rodrigo Duterte.
Nakapikit at nakayuko sila habang nagdarasal para sa dating pangulo ng Pilipinas, na kasalukuyang nililitis sa International Criminal Court (ICC) dahil sa mga alegasyon ng crimes against humanity kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga.
"Pakigising po ang puso ni President Marcos at ng mga hukom sa ICC," sabi ng isa sa kanila sa ginanap na pagtitipon noong Linggo sa tabing-dagat.
"Kung anuman ang dapat niyang panagutan, hindi natin nakakalimutan ang mga biktima — pero pauwiin natin siya."
Dating Pangulong Duterte 'Masigla Pa Rin' Habang Nasa ICC Detention Facility: Medialdea
Ayon sa mga taga-ICC, posibleng libo-libong tao ang napatay sa kampanya ni Duterte laban sa droga — isang kampanya na sinasabing bahagi ng malawak at sistematikong pag-atake sa mga sibilyan.
Pero sa kabila nito, marami pa rin ang sumusuporta sa kanya.
Mahigit isang linggo pa lang ang nakalipas nang bumisita si Duterte sa Hong Kong, kung saan sinalubong siya ng mga tagahanga sa isang 2,000-seat stadium at sa mga kalye sa labas nito.
VP Sara Duterte Nagbigay ng Pahiwatig sa 2028 Presidential Bid sa Harap ng mga Pinoy sa Hong Kong
Ang biglaang pag-aresto kay Duterte pagbalik niya sa Maynila ay ikinagulat ng maraming Pilipino sa buong mundo, kabilang na ang mahigit 200,000 domestic workers sa Hong Kong.
Hindi naman lahat ng kanyang tagasuporta ay nagtanggol sa kanyang mga nagawa.
Ngunit marami ang hindi sumang-ayon sa paraan ng kanyang pagdadala sa The Hague — na sa tingin ng ilan ay konektado sa naging hidwaan ng Duterte at Marcos families.
"Galit na galit ako," sabi ni Mary Grace Dolores, 43, na noong Linggo ay nasa Central, isang sikat na lugar sa Hong Kong para sa mga domestic workers tuwing day off.
"Dapat sa Pilipinas muna siya nilitis, doon kung saan siya inaresto," dagdag pa ni Dolores habang may mga kasamang Pinoy na kumukuha ng litrato sa harap ng isang pro-Duterte banner.