
Ang Forever 21, isang kilalang brand ng damit, ay nagsimula ng voluntary bankruptcy proceedings sa United States noong Lunes. Kasabay nito, inanunsyo rin nila ang plano para sa maayos na liquidation ng kanilang mga tindahan sa US habang naghahanap ng posibleng pagbebenta ng kanilang mga ari-arian.
Ang F21 OpCo LLC, na siyang operator ng brand sa US, ay nagsabi na magsasagawa sila ng liquidation sales sa mga tindahan habang isinasagawa rin ang isang court-supervised sale para sa ilang bahagi o lahat ng kanilang ari-arian.
Ito na ang pangalawang pagkakataon na nagdeklara ng Chapter 11 bankruptcy ang Forever 21 sa loob ng anim na taon, matapos ang kanilang 2019 filing na nagresulta sa pagbawas ng kanilang mga tindahan.
Ayon sa website ng kumpanya, mayroon silang 540 stores sa kasalukuyan.
Nilinaw ng kumpanya na ang kanilang mga American stores ay mananatiling bukas at patuloy na maglilingkod sa mga customer habang nasa proseso ng liquidation. Ang mga tindahan sa labas ng US, na pinamamahalaan ng ibang licensees, ay hindi kasali sa bankruptcy plan.
Itinatag noong 1984 sa Los Angeles nina Do Won at Jin Sook Chang, ang Forever 21 ay naging sikat sa mga shopping malls sa US dahil sa kanilang mga murang damit na ginaya mula sa mga high-fashion brands.
Ayon kay Neil Saunders ng GlobalData, naapektuhan ang kumpanya ng mahina na apparel market at matinding kompetisyon mula sa mga cheap Chinese marketplaces.
Dagdag ni Saunders, nagkaroon din ng problema ang kumpanya dahil sa kanilang mahinang merchandising at kakulangan sa malinaw na brand identity, dahilan kung bakit unti-unting nawala ang interes ng mga mas batang customer.
May posibilidad na magpatuloy ang brand sa online sa pamamagitan ng licensing sale, ngunit babayaran ito sa halagang akma sa kasalukuyang nabawasan na halaga ng tatak.