Apat na kasapi ng Dawlah Islamiyah-Hasan Group ang napatay matapos makasagupa ng mga sundalo sa Barira, Maguindanao del Norte nitong Lunes ng umaga, Marso 17.
Mga armas at iba pang gamit pandigma ang narekober mula sa Dawlah Islamiyah-Hasan Group sa Barira, Maguindanao del Norte. (FB)
Ang 6th Marine Company ng Marine Battalion Landing Team 2, kasama ang 65th Force Reconnaissance Company at Force Reconnaissance Group, ay nagsasagawa ng pagpapatrolya sa Sitio Palao, Barangay Barira nang makasagupa nila ang grupo na pinamumunuan ng isang alyas "Alpha King".
Nagtagal ng limang minuto ang sagupaan, kung saan apat na kasapi ng Dawlah Islamiyah ang napatay. Walang naiulat na sugatan o namatay sa panig ng gobyerno.
Ayon sa militar, tatlo sa mga napatay ay natukoy na at kinuha na ng kanilang mga kamag-anak.
Sinabi ni Lt. Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, na may mga armas at gamit pandigma silang narekober mula sa grupo.
Patuloy ang clearing operations ng mga sundalo at naghahanda sila para sa posibleng ganti mula sa mga natitirang kasapi ng grupo.