
Ang will ng kilalang aktor na si Gene Hackman ay inilabas na, pero may tanong pa rin kung sino ang magmamana ng kanyang $80 milyon na yaman.
Iniwan ng dalawang beses na Academy Award winner ang buong ari-arian niya sa kanyang asawang si Betsy Arakawa, na naging kasama niya sa loob ng 30 taon. Pero natagpuan silang parehong patay sa kanilang bahay sa New Mexico noong nakaraang buwan.
Ayon sa mga eksperto sa batas, dahil nauna palang namatay si Arakawa ng 7 araw bago si Hackman, may posibilidad na magmana pa rin ang mga anak ni Hackman kahit hindi sila nakasulat sa kanyang will.
Ang tatlong anak ni Hackman sa dating asawa niyang si Faye Maltese - sina Christopher (65), Elizabeth (62), at Leslie (58) - ay hindi pa nagbibigay ng komento tungkol dito.
Ayon sa mga dokumentong nakuha ng BBC, si Arakawa ay isinulat bilang tanging tagapagmana ni Hackman noong 1995, na huling in-update noong 2005.
Ayon sa abogadong si Tre Lovell, maaaring mapunta sa mga anak ni Hackman ang kanyang yaman sa ilalim ng succession laws kung walang ibang beneficiary na nakalista.
Dagdag pa niya, kakailanganin ding patunayan ng mga anak ni Hackman na invalid ang kanyang will dahil nauna nang pumanaw si Arakawa.
Ayon sa mga awtoridad, si Arakawa ay namatay noong Pebrero 11 dahil sa isang bihirang virus, at si Hackman naman ay namatay makalipas ng 7 araw dahil sa sakit sa puso. Pareho silang natagpuan sa magkahiwalay na kwarto ng kanilang $4 milyon na bahay sa Santa Fe noong Pebrero 26.
Ang mga awtoridad ay unang nagduda na may nangyaring krimen pero kalaunan ay itinuring itong natural na pagkamatay.
Sa kabila ng kanyang kasikatan, minsan nang binanggit ni Hackman na mahirap maging ama habang nasa industriya ng showbiz. Gayunpaman, mahal na mahal siya ng kanyang mga anak at apo.
"Siya ay minahal at hinangaan ng milyon-milyon sa buong mundo dahil sa kanyang kahanga-hangang karera, pero para sa amin, siya ay simpleng Dad at Grandpa lang," ayon sa kanila. "Sobrang mamimiss namin siya at napakalungkot naming mawala siya."