Ang mga biktima ng war on drugs noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay posibleng payagan nang magsalita sa International Criminal Court (ICC).
Sa initial hearing ng ICC pre-trial chamber para kumpirmahin ang identity ni Duterte, sinabi ni Judge Iulia Motoc na maaaring bigyan ng pagkakataon ang mga biktima na ilahad ang kanilang saloobin sa mga proceedings.
Ayon sa ICC, si Duterte ay inakusahan ng pagpatay sa hindi bababa sa 19 tao na diumano'y mga drug pusher o magnanakaw sa pamamagitan ng Davao Death Squad mula 2011 hanggang 2016.
Bukod dito, inakusahan din siyang responsable sa pagpatay ng hindi bababa sa 24 katao sa ilalim ng pangangasiwa ng mga alagad ng batas sa Pilipinas mula 2016 hanggang 2019. Karamihan sa mga biktima ay mga hinihinalang kriminal, drug pusher, magnanakaw, o gumagamit ng droga.
Noong panahon ng kanyang pamumuno, inilunsad ni Duterte ang kanyang drug war na nagresulta sa halos 6,000 pagkamatay ayon sa opisyal na tala ng gobyerno ng Pilipinas. Gayunpaman, tinatayang nasa 30,000 ang totoong bilang ng mga nasawi batay sa mga ulat ng human rights groups.
Noong Marso 14, pormal na kinasuhan ng ICC si Duterte ng crimes against humanity dahil sa umano'y pagkakasangkot niya sa hindi bababa sa 43 pagpatay, kabilang na rito ang mga insidente ng Davao Death Squad at mga operasyon ng pulisya noong kanyang termino.
Naaresto si Duterte noong Marso 11 pagdating niya mula sa Hong Kong, matapos ipalabas ng ICC ang kanyang arrest warrant. Siya ay dinala sa The Hague, Netherlands, kung saan matatagpuan ang ICC.
Nakatakda ang kanyang hearing sa Setyembre 23 para kumpirmahin ang mga paratang, kung saan may pagkakataon siyang ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa mga akusasyon.