
Isang 35-anyos na lalaki ang naaresto sa Antipolo City, Rizal matapos umano niyang gahasain ang kanyang 14-anyos na anak noong 2024.
Inaresto siya ng tracker team ng Antipolo Component City Police Station nitong Martes ng hapon, Marso 11, 2025, sa bisa ng warrant of arrest mula sa Antipolo Regional Trial Court Branch 73. Natunton ang suspek sa isang garment factory sa Barangay Dalig kung saan siya nagtatrabaho.
Ayon sa imbestigasyon ng PNP, naganap umano ang insidente noong Oktubre 3, 2024, sa loob mismo ng kanilang bahay. Kinabukasan, Oktubre 4, sinubukan umano ulit ng suspek ngunit nakatakbo at nakahingi ng tulong ang biktima.
Ang tiyahin ng bata ang nagsumbong sa mga pulis dahil ang ina ng biktima ay nagtatrabaho bilang OFW sa Dubai.
Pinabulaanan ng akusado ang mga paratang, sinasabing hindi niya ginalaw ang bata at ang kanyang live-in partner umano ang nag-aalaga sa bata. Sa kabila nito, nasa kustodiya na ngayon ng Antipolo CCPS ang lalaki at nahaharap sa kasong Qualified Rape at Attempted Qualified Rape na walang inirekomendang piyansa.