Isang 14-anyos na binatilyo ang nasawi matapos malunod sa isang pribadong resort sa Plaridel, Bulacan kamakailan.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Markhin Dylan Nana, na nalunod dakong 1:45 ng hapon sa Casa Cirila Private Resort sa Barangay Bulihan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sumama ang biktima sa isang kaibigan na nagdiriwang ng kaarawan sa naturang resort.
Habang naliligo sa pool, nalunod si Markhin at sinubukan pa siyang sagipin ng kanyang mga kaibigan. Isinugod siya sa La Consolacion Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival ng doktor.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang iba pang detalye.