
Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Pebrero 20 ang dalawang Chinese na sina Ni Qinhui at Zheng Wei dahil sa umano'y ilegal na pagkolekta ng impormasyon. Kasama rin nilang inaresto ang tatlong Pilipino na sina Omar Khan Kashim Joveres, Leo Laraya Panti, at Mark Angelo Boholst Binza sa magkahiwalay na lugar sa Bulacan at Metro Manila.
Ayon sa NBI, ang mga suspek ay sangkot sa ilegal na pagmamanman gamit ang isang ipinagbabawal na device na tinatawag na IMSI catcher. Ang device na ito ay may kakayahang mag-track ng lokasyon, mag-intercept ng komunikasyon, at magpadala ng pekeng mensahe sa mga mobile user sa paligid.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Philippine Armed Forces (AFP) matapos matukoy ang kahina-hinalang aktibidad ng mga suspek sa paligid ng mga sensitibong lugar tulad ng military camps, government offices, at embahada ng Amerika.
Ayon kay Jaime B. Santiago, opisyal ng NBI, ang paggamit ng IMSI catcher ay mahigpit na ipinagbabawal sa Pilipinas dahil ito ay lumalabag sa privacy ng mga mamamayan at nagbibigay banta sa seguridad ng bansa.
Inamin naman ng tatlong Pilipino na sila ay inuupahan ni Ni Qinhui upang magmaneho malapit sa mga sensitibong lugar kapalit ng bayad na 2,500 hanggang 3,000 piso kada araw.
Ang limang suspek ay kasalukuyang hawak ng Department of Justice (DOJ) at nahaharap sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act (RA 10175) at Illegal Collection of Intelligence Act (Federal Law 616).
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa nasabing insidente upang matukoy ang posibleng koneksyon ng mga suspek sa ibang grupo o organisasyon.