
Ayon sa PSA, may mga scammer na nagpapadala ng mensahe sa social media at nag-aalok ng tulong sa pag-register, pag-update ng detalye, o kahit sa pag-download o pag-print ng National ID.
Madalas ay hihingan ng personal na impormasyon ang mga biktima sa isang peke na website na kunwari ay para sa National ID.
May mga kaso rin na tumatawag pa ng video call ang mga scammer o humihingi ng bayad sa kanilang biktima.
Nagbabala ang PSA na ang sinumang mahuling nangongolekta o gumagamit ng personal na data sa maling paraan ay maaaring makulong ng 6 hanggang 10 taon at magmulta ng P3 milyon hanggang P5 milyon.
“Data privacy at security ang aming prayoridad. Mariin naming kinokondena ang mga ganitong panloloko,” sabi ni Mapa.
Sa ngayon, nakapagbigay na ng mahigit 55 milyon na National ID cards ang PSA mula sa 91.7 milyon na nagparehistro hanggang 2024.
Nangangailangan pa umano ng karagdagang pondo ang ahensya upang mapabilis ang pagproseso ng natitirang 36 milyon na ID cards.