Naaresto na ng Philippine National Police (PNP) ang isa sa mga suspek na sangkot sa pamamaril-patay sa dalawang pulis noong March 8, 2025 sa isang buy-bust operation sa Bocaue, Bulacan.
Ayon sa PNP, ang suspek ay isang 38-anyos na lalaki mula sa Pandi, Bulacan.
Narekober sa kanya ang mga sumusunod:
- .38 caliber revolver
- Granada
- Motorsiklo na may sidecar
- Pera na ginamit sa operasyon
Patuloy pa rin ang paghahanap sa iba pang mga suspek. Natagpuan na rin ng mga awtoridad ang isang motorsiklo na sinasabing ginamit nila sa pagtakas sa Barangay Bunsuran II.
Nasawi sa insidente sina Police Staff Sergeants Dennis Cudiamat at Gian George Dela Cruz. Si Cudiamat ay binawian agad ng buhay habang si Dela Cruz naman ay pumanaw habang ginagamot sa hospital.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng buy-bust operation sa Sitio Tugatog, NIA Road, Barangay Tambubong, Bocaue, Bulacan ang mga pulis nang sila ay biglaang pagbabarilin ng suspek.
Matapos ang pamamaril, tinangay pa ng suspek ang baril ni Cudiamat bago tumakas patungo sa bayan ng Pandi.
Pinuri ng PNP ang katapangan at dedikasyon ng dalawang pulis sa kanilang serbisyo. Tiniyak din ng PNP sa pamilya ng mga biktima na kanilang makakamit ang hustisya.
Hinihikayat ng PNP ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon na maaaring makatulong sa paghuli ng mga natitirang suspek.