Pumanaw na si Simon Fisher-Becker, isang British actor na nakilala sa kanyang mga role sa Harry Potter and the Sorcerer’s Stone at Doctor Who. Siya ay 63 taong gulang.
Kinumpirma ng kanyang asawa na si Tony ang pagpanaw ng aktor sa pamamagitan ng Facebook. Ayon sa kanyang post, pumanaw si Fisher-Becker bandang 2:50 ng hapon. Wala pang ibinigay na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa Harry Potter, gumanap siya bilang Fat Friar, isang multo ng Hufflepuff na sumasalubong sa mga estudyante sa Hogwarts. Sa Doctor Who, siya naman si Dorium Maldovar, isang asul na alien na sangkot sa black market. Ayon kay Fisher-Becker, binago ng role na ito ang kanyang career.
Bukod sa mga nabanggit, lumabas din siya sa iba’t ibang palabas tulad ng Doctors, Afterlife, Waterside, Getting On, Puppy Love, at Les Misérables.
Nagpaabot ng pakikiramay ang kanyang manager na si Kim Barry at sinabing hindi lang siya nawalan ng isang kliyente kundi isang matalik na kaibigan. Nagbigay rin siya ng mensahe para sa asawa ng aktor, mga kapamilya, at mga tagahanga nito.