
Natagpuang wala nang buhay sa kanyang tahanan sa Seoul ang South Korean singer na si Choi Wheesung sa edad na 43. Ayon sa Yonhap, pumanaw siya noong Marso 10, ngunit hindi pa natutukoy ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ayon sa pulisya, walang nakitang senyales ng foul play at tila matagal nang nangyari ang insidente bago siya natagpuan. Bandang 6:29 p.m., dumating ang mga awtoridad matapos tumawag ang ina ng singer, na siya ring nakatuklas sa kanya.
Kinumpirma rin ng kanyang agency, Tajoy Entertainment, ang balita. "Natagpuan siyang walang malay sa kanyang bahay sa Seoul at idineklarang patay," ayon sa kanilang pahayag. Hiningi rin nila ang respeto ng publiko upang hindi magpakalat ng hindi kumpirmadong balita bilang paggalang sa pamilya ng yumaong singer.
Nakilala si Wheesung noong 2002 sa kanyang debut album na Like A Movie at sumikat sa mga kantang Insomnia, With Me, Even Thought of Marriage, at Heartsore Story. Sa nakaraan, naakusahan siya ng paggamit ng propofol ngunit nilinaw niyang para ito sa kanyang gamutan.
Nakatakda sanang magkaroon ng joint concert si Wheesung kasama si KCM sa Daegu sa Marso 15 bago siya pumanaw.