Tatlong pasahero ang namatay at 20 ang nasugatan matapos mawalan ng preno ang isang van mula Baguio City at bumangga sa isang batong harang sa Sitio Bantiway, Barangay Poblacion kahapon.
Ayon kay Dr. Angeline Calatan, rural health physician ng Tuba, idineklarang dead on arrival sa ospital sina Justine Nichole Bungay, Homer Lozano, at Arlene Nanquil.
Dinala naman sa ospital ang 20 pang pasahero, kabilang ang isang dalawang-taong-gulang na bata, para magpagamot.
Ayon kay Maj. James Acod, hepe ng Tuba police, kasalukuyang iniimbestigahan ang driver ng van na si Berlin Sagad Lopez, 66, at maaaring kasuhan.
Sa mga nasugatan, 14 ang nakalabas na ng ospital matapos malapatan ng lunas, habang ang may mas malubhang injuries ay nananatili sa Baguio General Hospital and Medical Center.