
Nalulungkot ang royal family ng Luxembourg sa pagpanaw ni Prince Frederik, na sumakabilang-buhay noong Marso 1, 2025, sa Paris, France. Siya ay 22 taong gulang at ang bunsong anak nina Prince Robert ng Luxembourg at Princess Julie ng Nassau.
Ayon sa kanyang pamilya, pumanaw ang batang prinsipe dahil sa isang bihirang genetic disease na tinatawag na POLG Mitochondrial Disease. Bago siya lumisan, personal niyang kinausap ang kanyang pamilya noong Pebrero 28 upang magpaalam. Iniwan niya ang kanyang mga mahal sa buhay ng mga huling salita—ilang mabait, ilang matalino, ilang may aral—at isang matagal nang family joke na nagpapakita ng kanyang sense of humor.
"Napakabigat ng aming puso sa pag-anunsyo ng pagpanaw ng aming anak," ani Prince Robert sa pamamagitan ng POLG Foundation website. Dagdag pa niya, kahit sa huling sandali, hindi nawala ang pagmamalasakit at positibong pananaw ng kanyang anak. "Kahit sa kanyang huling sandali, binigyan niya kami ng isang huling tawa upang pasayahin kami."
Ayon sa umdf.org, ang POLG Mitochondrial Disease ay isang genetic disorder na dulot ng mutations sa POLG gene, na may mahalagang papel sa pag-repair at pagkopya ng mitochondrial DNA. Kapag hindi ito gumana nang maayos, nahihirapan ang katawan na gumawa ng enerhiya, kaya naaapektuhan ang iba't ibang organs tulad ng utak, nerves, muscles, at atay. Karaniwang sintomas nito ay panghihina ng muscles, seizures, pagkawala ng paningin, at problema sa atay.
Matagal nang lumalaban si Prince Frederik sa sakit na ito matapos siyang ma-diagnose sa edad na 14. Dumating ang diagnosis nang lumala ang kanyang kondisyon, ayon sa kanyang ama. Bagama’t walang lunas ang sakit na ito, sumailalim siya sa mga therapy at gamutan upang mapagaan ang kanyang kondisyon.