Hinuli ng Philippine Coast Guard (PCG) at pulisya ang mag-asawang Leonardo at Lyka Yarte matapos nilang dayain ang 10 biktima sa pekeng PCG enlistment kapalit ng P120,000 bawat isa.
Naaresto ang dalawa noong Marso 8 (Sabado) sa isang bus papuntang Davao City, kasama ang kanilang mga walang muwang na biktima. Ayon sa ulat, dadalhin dapat nila ang mga ito sa Maynila upang "ayusin" ang kanilang pagpasok sa PCG gamit ang nakuhang pera.
Ang operasyon para mahuli ang mga suspek ay pinangunahan ng PCG intelligence at special operations groups sa Southern Mindanao, katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Police Regional Office-12 (PRO-12).
Ayon kay Police Brig. Gen. Arnold Ardiente, ang General Santos City Police Station ay tutulong sa pagsampa ng kaso laban sa mga Yarte batay sa reklamo ng sampung biktima. Kasalukuyang nakakulong ang mag-asawa sa CIDG detention facility sa General Santos City.
Samantala, tiniyak ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na mas paiigtingin ang pagsubaybay sa mga ilegal na recruitment sa tulong ng iba't ibang district stations at pulisya.
Mahaharap ang mag-asawang Yarte sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012, usurpation of authority, at large-scale estafa.