
Nahuli na naman ang China smuggled goods! May ₱2.02 bilyong halaga ng frozen mackerel na dineclare bilang ibang produkto.
March 5, inanunsyo ng Bureau of Customs (BOC) na maghahain sila ng criminal case laban sa mga responsable sa malaking smuggling operation. Dineclare ito bilang ibang pagkain, pero nahuli ng mga awtoridad ang panloloko. Dahil dito, posibleng maharap sila sa economic sabotage at iba pang mabibigat na kaso.
Ayon sa BOC, ang mga smuggled na isda ay nakatago sa 19 na 40-ft container vans. Ang deklarasyon sa importation nito ay frozen taro fries, cuttlefish balls, at taro sweet potato balls. Pero noong January 20, matapos makatanggap ng intelligence report, sinuri ng customs officers ang shipment at nadiskubreng palsipikado ang dokumento. Dahil dito, agad nilang kinumpiska ang shipment.
Ayon sa BOC, naglabas na sila ng seizure order at nakikipag-ugnayan na sa Department of Finance (DOF) upang sampahan ng kaso ang mga sangkot ayon sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Section 20.
Sinabi ng ahensya na ang malakihang agricultural smuggling ay isang seryosong krimen. Ang mga mahuhuling responsable ay posibleng makulong habangbuhay at pagmultahin ng malaking halaga.
Patuloy ang laban ng gobyerno kontra sa illegal na pag-import ng agricultural products para mapanatili ang food security at economic stability ng bansa. Pinaalala ng BOC na ang smuggled frozen mackerel ay hindi lang lumalabag sa trade regulations, kundi apektado rin ang local fishing industry at kabuhayan ng mga mangingisda.
Dagdag pa rito, nag-request din ang Plant Quarantine Service ng Bureau of Plant Industry (PQS-BPI) na i-inspeksyon ang shipment dahil hindi ito sumunod sa phytosanitary regulations.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon, at haharap sa criminal charges ang mga responsable.