
Pwedeng ipagbawal ang PIGOs kung may parehas na problema tulad ng POGOs, ayon sa Malacañang.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, sa ngayon, wala pang ebidensya na may kaugnayan ang PIGOs sa krimen.
Matapos ipag-utos ni Pangulong Marcos ang crackdown sa POGOs dahil sa illegal na aktibidad, hiniling ni Senate President Francis Escudero ang isang cost-benefit analysis sa PIGO licenses mula sa PAGCOR para malaman kung dapat pa itong ituloy.
Sabi ni Escudero, parehong online games ang ino-offer ng PIGOs sa Filipino clients, kaya dapat suriin kung may parehong epekto ito tulad ng POGOs.
Sinabi ni Castro na may pagkakaiba ang PIGOs at POGOs. Hindi pa nauugnay ang PIGOs sa krimen at karamihan sa kanilang empleyado ay Filipino, samantalang karamihan sa POGOs ay foreign nationals.
Dagdag niya, ang ginagastos ng PIGOs sa advertising at marketing ay nananatili sa Pilipinas, di tulad ng POGOs.
Ipinaliwanag din ni Castro na noong may POGOs, may mga lumalabas na sublicensees na hindi nagbabayad ng buwis. Pero sa PIGOs, malaki ang buwis na binabayaran.
Gayunpaman, hindi isinasara ng administrasyong Marcos ang posibilidad ng PIGO ban kung magiging pareho ito sa POGOs pagdating sa social costs.
Kung mangyari ang nangyari sa POGOs, hindi magdadalawang-isip ang Pangulo na ipagbawal ito, pero kailangan pa ng sapat na datos," sabi ni Castro.
Noong State of the Nation Address (SONA) ni Marcos noong Hulyo, inanunsyo niya ang POGO ban. Lahat ng POGO licenses ay kinansela noong Disyembre, pero naghahanda ang gobyerno sa posibleng guerrilla operations ng mga ito na maaaring naging scam centers.
Ang mga ilegal na aktibidad na konektado sa POGOs ay kinabibilangan ng financial scams, money laundering, prostitution, human trafficking, at kidnapping.