
Dalawang linggo bago ang kanyang kasal, nasawi si 1st Lieutenant April John “AJ” Dadulla, 29, matapos bumagsak ang kanilang FA-50 fighter jet sa Mount Kalatungan, Bukidnon, madaling araw ng Marso 4.

Si Dadulla, mula Manolo Fortich, Bukidnon, ay excited sa kanyang kasal kay 1st Lieutenant Alyssa Coleen Columbino. Nagpareserba pa siya ng bahay sa Cagayan de Oro, tanda ng paghahanda sa kanilang buhay mag-asawa.
Habang nasa operasyon, nawalan ng contact ang jet nila ni Major Jude Salang-oy, hanggang sa bumagsak ito sa masukal na bahagi ng bundok. Kinailangang maglakbay ng mga sundalo at volunteers para matagpuan ang labi ng mga piloto.
Matapos ang aksidente, ibinahagi ni Columbino ang kanyang sakit sa Facebook: "I am so proud of you, my love. You will always be in my heart. Till we meet again."
Mula sa kanyang prenup shoot sa Zambales hanggang sa kanyang huling misyon, naiwang alaala ang pangarap ni Dadulla ng isang masayang buhay kasama ang kanyang fiancée—isang pangarap na hindi na matutupad.