Si James Harrison, isa sa pinaka-dakilang blood donors sa mundo, pumanaw noong Pebrero 17 sa edad na 88 sa isang nursing home sa New South Wales, Australia. Ngayon (Marso 3), kinumpirma ng kanyang pamilya ang balita.
Noong 2005, nag-set siya ng world record bilang taong may pinakamaraming na-donate na blood plasma—isang record na tinalo lang noong 2022. May taglay siyang anti-D antibody, isang bihirang component sa dugo na ginagamit para sa gamot laban sa Newborn Hemolytic Disease (HDFN), na nakatulong sa halos 2.4 milyong sanggol. Dahil dito, tinawag siyang "Golden Arm".
Ayon sa Australian Red Cross Lifeblood, nagsimula siyang mag-donate ng dugo sa edad na 18 matapos siyang maoperahan sa baga noong 14 at makatanggap ng maraming blood transfusions. Simula noon, nag-donate siya bawat dalawang linggo hanggang 81 years old.
Ayon sa kanyang anak na si Tracey Mellowship, proud na proud si Harrison na makatulong sa ibang tao, lalo na’t wala itong kapalit na bayad o sakit. "Sabi niya, hindi masakit mag-donate, at baka balang araw, tayo rin ang mangangailangan nito." Ang kanyang anak at dalawang apo ay parehong nakatanggap ng anti-D immunization.
Ang HDFN ay nangyayari kapag hindi compatible ang dugo ng isang buntis at kanyang baby. Dahil dito, ang immune system ng ina ay inaatake ang red blood cells ng baby, na maaaring magdulot ng anemia, heart failure, o kamatayan. Bago na-develop ang anti-D treatment noong 1960s, halos 50% ng affected na babies ay namamatay.
Hindi pa rin alam kung paano nagkaroon si Harrison ng anti-D antibodies, pero iniisip ng mga eksperto na maaaring dahil ito sa transfusions noong kabataan niya.
Sa kasalukuyan, wala pang 200 donors sa Australia ang may anti-D blood, pero nakakatulong sila sa 45,000 buntis at babies kada taon. Patuloy ang pag-aaral ng mga scientist para makagawa ng lab-grown anti-D antibodies na makakatulong sa mas maraming tao sa buong mundo.