
Halos pitong buwan matapos makatakas si Alice Guo papuntang Indonesia, clueless pa rin ang Bureau of Immigration (BI) kung paano siya lumabas ng Pilipinas at nakaiwas sa Senate arrest order. Sa isang Senate hearing, ipinakita ni Sen. Risa Hontiveros ang kanyang frustration sa mabagal na imbestigasyon ng BI, na aniya’y tila inutil sa pagtukoy kung paano nakatakas ang dating Bamban mayor.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., hindi pa rin nila alam kung anong ports o sub-ports ang ginamit ni Guo at ng kanyang mga kapatid para makalabas ng bansa. Dagdag niya, wala pang sagot ang immigration counterparts sa Asia tungkol sa kanilang pagtakas. Samantala, sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na walang BI personnel na tumulong kay Guo, ngunit posible raw siyang dumaan sa backdoor exit sa southern Philippines.
Ayon sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA), ginagamit din ng mga human traffickers ang backdoor routes na ito para magpuslit ng mga tao patungo sa scam hubs abroad. Ipinunto naman ni Viado na ang BI ay walang kontrol sa private coastlines at airstrips, kaya posibleng dito dumaan si Guo. Pinuri rin niya ang Inter-Agency Council Against Trafficking sa kanilang patuloy na pagsugpo sa illegal exits.
Bukod kay Guo, tinanong din ni Hontiveros ang BI tungkol sa kinaroroonan ng dating presidential spokesman Harry Roque, na iniimbestigahan dahil sa kanyang koneksyon sa Philippine offshore gaming operators (POGOs). Aniya, may natanggap siyang tip na nagtago si Roque sa Dubai, ngunit lumipad ito sa Shanghai, China noong December 8, tumagal ng isang araw, at saka nagpunta sa Macau.
Sa kabila ng mga lumulutang na impormasyon, wala pa ring malinaw na sagot ang BI kung paano nakalabas si Guo at kung nasaan si Roque. Nanawagan si Hontiveros sa gobyerno na paigtingin ang seguridad sa mga border ng bansa upang matigil ang ganitong uri ng pagtakas.