
Isang malaking sunog ang sumiklab sa isang residential area sa Daang Tubo, Barangay UP Campus, Quezon City nitong Lunes, Marso 3.

Makapal at madilim na usok ang nakita mula sa lugar habang itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang third alarm bandang 10:07 a.m., halos isang oras matapos magsimula ang sunog.

Sa third alarm, dapat may 12 fire trucks na rumesponde. Unang itinaas ang first alarm sa ganap na 9:39 a.m., kasunod ng second alarm sa 9:46 a.m.

Ayon sa barangay officials, tinatayang nasa 40 bahay na gawa sa magagaan na materyales ang natupok, na nakaapekto sa halos 60 pamilya.

Patuloy na nagtrabaho ang mga bumbero at volunteers para apulahin ang apoy. Idineklarang "under control" ang sunog sa ganap na 11:21 a.m., at tuluyang naapula bandang 3 p.m.
Pansamantalang isinara ang C.P. Garcia Avenue para bigyang-daan ang mga fire truck at ambulansya.

Ito na ang ika-apat na sunog sa Barangay UP Campus sa loob ng dalawang buwan. Ang huling insidente ay noong Pebrero 25, at nauna rito ang dalawang sunog noong Enero 26 at 27.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog, bilang ng mga apektadong pamilya, posibleng nasugatan o nasawi, at lawak ng pinsala.