Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon na tuluyang alisin ang lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ay may malaking papel sa pagtanggal ng Pilipinas mula sa FATF grey list.
Sa isang panayam sa DZBB noong Linggo, Marso 2, ipinaliwanag ni Castro na isa sa mga dahilan kung bakit nanatili ang Pilipinas sa grey list ay ang patuloy na operasyon ng POGOs.
“Napakalaking pong naging factor ito (POGO ban) para makita ng FATF ‘yung improvement,” ayon kay Castro sa nasabing panayam.
Dagdag pa niya, inisyu ni Marcos ang Executive Order (EO) No. 33, na nag-aatas sa mga ahensya ng gobyerno na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matanggal ang Pilipinas sa FATF grey list. Binigyang-diin niyang mahalaga ito lalo na para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga mamumuhunan.
Noong Hulyo 2023, ipinatupad ang EO 33 upang itakda ang estratehiya ng bansa sa paglaban sa money laundering, terorismo, at iligal na pagpapondo mula 2023 hanggang 2027.
Tinanggal ang Pilipinas mula sa FATF grey list noong Pebrero 21, matapos kilalanin ng FATF ang pagsisikap ng bansa sa pagpapalakas ng mga panuntunan laban sa money laundering at terorismo.
Dahil dito, hindi na isasailalim sa mas mahigpit na pagbabantay ang Pilipinas ng FATF.
Ayon sa FATF, ang grey list ay isang tanda ng pangako ng isang bansa na pahuhusayin ang seguridad sa pananalapi sa pamamagitan ng isang action plan.
Gayunpaman, tinawag ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang pagtanggal sa grey list na isang “pyrrhic victory” o tagumpay na may kapalit na malaking sakripisyo. Sinabi ng grupo na sa pagsunod ng gobyerno sa FATF, ginamit umano nito ang batas laban sa terorismo upang pahinain ang mga karapatang sibil at kalayaan.
Bago ang pagtanggal sa listahan, ang Pilipinas ay nasa FATF grey list mula pa noong Hunyo 2021.