
Pinauwi na ng Bureau of Immigration (BI) ang 98 Chinese nationals matapos silang mahuling nagtatrabaho sa isang ilegal na POGO.
Ayon sa BI, umalis ang grupo sakay ng isang chartered flight ng Philippine Airlines patungong Xi’an, China, nitong Martes ng gabi mula sa NAIA Terminal 1.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na 91 sa kanila ay kabilang sa 450 kataong naaresto noong Enero 8 sa isang commercial building sa Parañaque City. Ang pito naman ay galing sa BI detention facility sa Bicutan, Taguig.
Dagdag pa ni Viado, ang Chinese Embassy mismo ang nag-ayos ng chartered flight bilang bahagi ng kanilang tulong para mapabilis ang deportation ng mga sangkot sa ilegal na POGO operations.
Bukod dito, sampung Vietnamese nationals din ang na-deport sa parehong araw sa NAIA Terminal 1.
Simula Enero, mahigit 500 dayuhan na ang naaresto ng BI sa magkakahiwalay na operasyon sa Parañaque, Cavite, at Pasay City dahil sa ilegal na POGO jobs. Sa bilang na ito, 226 na ang napauwi mula Enero 1 ngayong taon.