Sa UK, ang reality dating show na First Dates ay isa sa pinakamatagal nang palabas sa Channel 4 mula 2013. Pero kamakailan, isang dating contestant ang nag-trending hindi dahil sa love story, kundi dahil sa isang hindi inaasahang family reunion! Si Katie Kumar, na sumali sa First Dates: Teen Edition noong 2021, ay nagbahagi sa kanyang TikTok account ng nakakagulat na kwento kung paano niya natagpuan ang matagal nang nawawalang ate niya.
Ayon kay Katie, sumali siya sa show hindi lang para maghanap ng love kundi para ibahagi ang kanyang adoption story at ipromote ang awareness tungkol sa foster care. Simula pagkabata, hindi niya nakasama ang biological family niya. Noong baby pa lang siya, napunta siya sa foster care at iba-ibang pamilya ang kumupkop sa kanya bago siya tuluyang inampon sa isang permanenteng bahay noong 3 years old siya. Hindi niya alam na ang nakatatanda niyang ate na si Louise ay inampon din ng ibang pamilya. Pareho silang may alaala ng isa't isa, pero hindi nila alam kung paano magkikita muli.
Isang araw, habang nanonood ng TV, nakita ni Louise si Katie at may na-feel siyang matinding déjà vu. Naglakas-loob siyang mag-message sa Facebook: "Hi, alam kong weird 'to, pero kung hindi ko itatanong 'to ngayon, pagsisisihan ko habang-buhay…" Nagpalitan sila ng kwento—pareho silang taga-Birmingham, parehong may white mom at Afghan dad, at nang palitan nila ang pangalan ng kanilang biological mom, doon nila na-confirm na sila nga ay tunay na magkapatid!
Mula noon, naging malapit na ulit sila sa isa’t isa. Parang hindi sila nagkahiwalay kahit matagal silang hindi nagkita. Sobrang natural ng bonding nila, at marami silang parehas na interes. Ang kanilang kwento ay mabilis na kumalat online, at maraming netizens ang natuwa sa kanilang muling pagkikita. Maraming nagkomento na tila itinakda talaga ng tadhana ang reunion nilang magkapatid.
Sa dami ng natuwa, may ilang netizens din na nagbahagi ng kanilang sariling karanasan. Isa pang user ang nagsabi, "Nahanap ko rin ang nawawala kong kapatid sa TikTok habang nanonood ako ng makeup tutorial! Totoo, may paraan talaga ang universe para i-correct ang ganitong pagkakamali." Sa huli, bagama’t hindi pag-ibig ang natagpuan ni Katie sa dating show, isang mas matibay at panghabambuhay na koneksyon naman ang kanyang nahanap—ang kanyang tunay na pamilya.