Kasama rin sa operasyon ang Immigration Mission Order dahil ang nasabing indibidwal ay empleyado ng isang hinihinalang POGO na ilang buwan nang minamanmanan. Sa kabuuan, 453 empleyado, kabilang ang 146 na dayuhan na karamihan ay Chinese, ang naabutan sa tatlong palapag ng gusali na pinaniniwalaang nag-ooperate ng ilegal na offshore gaming at scam activities.
Ayon kay PAOCC Spokesperson Director Winston Casio, dalawang taon nang nag-ooperate ang kumpanya at lumipat mula ASEANA patungo sa kasalukuyang lokasyon nang magsimulang uminit ang sitwasyon doon.
Batay sa paunang pagsusuri ng mga computer screen at panayam sa mga Filipino employees, natuklasan ang iba't ibang scam na isinasagawa sa bawat palapag. Sa ikalimang at ikapitong palapag, may stock investment scam, habang sa ikapitong palapag ay may spamming gamit ang Hong Kong mobile. Sa ikaanim na palapag naman ay online betting scam na ang target ay mga Indian nationals, at mga Filipino ang empleyado.
CTTO: NEWS 5
Narekober ng mga awtoridad ang daan-daang computer, laptop, smartphone, pre-registered SIM cards, at iba pang gadgets na sasailalim sa digital forensics. Napag-alaman din na dati nang ni-raid at ipinasara ang POGO na ito, ngunit muling nag-operate sa ilalim ng bagong pangalan at may mga permit mula sa Mayor, business license, at barangay permit. Ayon kay PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz, dapat masusing inspeksyunin ng mga LGU ang mga establisyemento bago magbigay ng permit upang maiwasan ang ganitong insidente.
Ang mga naarestong dayuhan ay idedetine sa PAOCC Detention Facility sa Pasay at sasailalim sa profiling at biometric procedures kasama ang BI habang bineberipika ang kanilang immigration status. Ang mga Filipino naman ay isasailalim sa questioning at imbestigasyon.