
Naiintindihan ng mga opisyal ng MTRCB ang hindi inaasahang pagmumura ni John Arcilla sa kanyang guesting kasama si Martin del Rosario sa Fast Talk with Boy Abunda noong Pebrero 5, 2025.
Agad namang humingi ng paumanhin si Kuya Boy Abunda nang marinig ang pagmumura ni John ng "Punyt* habang ipinapakita nito ang galit sa sagot ni Boy.
Aminado si John na nagulat siya dahil nakalimutan niyang live pala sila.
Ayon sa mga taga-MTRCB na nakausap namin, hindi raw nila itinuturing na isyu ang insidenteng ito.
Ayon kay MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio, isang miyembro ng showbiz family, naiintindihan nila ang pangyayari.
MTRCB, MAS ISTRIKTO NGA BA NGAYON?
Pero mas mahigpit ba ang Movie and Television Review and Classification Board sa mga programa ngayon?
Ayon sa mga narinig namin, ilang episodes ng FPJ’s Batang Quiapo at Incognito ay na-X dahil sa mga labis na bayolenteng eksena.
Habang pinapanood ko ang Incognito sa Netflix, napansin ko na talagang may mga madudugong eksena na posibleng hindi papasa sa free TV.
Hindi ko alam kung nakakalusot ba ang mga ganitong eksena sa telebisyon.
Naalala ko rin na ipinatawag ang Black Rider dahil sa mga dialogue nito, pati na rin ang isang afternoon drama na may mga eksenang nagpakita ng paggamit ng droga.
May mga iba pang programa na nakatanggap ng memo mula sa MTRCB, kaya’t mas nag-iingat sila sa pagpili ng mga ipapalabas.
Kung mapapansin sa Facebook account ng MTRCB, ang mga huling pelikulang ni-review nila ay may mga G at PG ratings para sa mga pambatang pelikula, ngunit mayroon din namang R-18.