
IIbinunyag ni Supreme Court (SC) Associate Justice Amy Lazaro-Javier na “bangkarote” na umano ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) base sa ulat ng Commission on Audit (COA). Sa oral arguments kaugnay ng kontrobersyal na P89.9 bilyon fund transfer ng PhilHealth, binigyang-diin ni Lazaro-Javier ang hindi pagsunod ng ahensya sa Seksyon 11 ng Universal Health Care (UHC) Act. Nakasaad sa batas na dapat unahin ang pagpapalawak ng mga benepisyo at pagbawas sa kontribusyon ng mga miyembro bago mag-invest gamit ang sobrang pondo ng reserve funds. Gayunpaman, iniulat na inuuna ng PhilHealth ang investments kaysa sa pagpapabuti ng mga serbisyo.
Ayon kay Deputy Treasurer Eduardo Anthony Mariño III, umabot na sa P464.29 bilyon ang naipong kita ng PhilHealth noong 2023, na nai-invest na raw. Ngunit kinontra ito ni Lazaro-Javier sa pagsasabing mas mababa ang reserve fund ng PhilHealth kumpara sa actuarial estimates nito mula 2021 hanggang 2023. Sinipi rin niya ang ulat ng COA na nagpapakitang nasa alanganin ang kakayahan ng PhilHealth na magpatuloy bilang "going concern" kung hindi matutugunan ang mga unfunded liabilities nito. Dahil dito, pinuna niya ang maling prayoridad ng ahensya sa paggamit ng pondo.
Bagama’t itinanggi ni Finance Secretary Ralph Recto na bangkarote ang PhilHealth, inamin niyang ang Insurance Contract Liabilities (ICL) ang pangunahing isyu sa ulat ng COA. Ang ICL ay tumutukoy sa mga obligasyon ng PhilHealth para sa mga bayarin sa hinaharap, na nagdulot ng malaking capital deficit na umabot sa P1.128 trilyon noong Disyembre 2023. Sa kabila nito, idineklara ng Solicitor General na legal ang paglipat ng sobrang pondo ng PhilHealth sa National Treasury bilang pansamantalang solusyon para pondohan ang mahahalagang programa ng gobyerno.
Samantala, iniugnay naman ni Pangulong Marcos Jr. ang pagbibitiw ni Emmanuel Ledesma Jr., dating hepe ng PhilHealth, sa hirap ng transisyon mula pribadong sektor patungong pampublikong serbisyo. Pinalitan siya ni Edwin Mercado, isang eksperto sa health care at hospital management. Inaasahang mas magtutuon ng pansin ang bagong pamunuan sa pagpapabuti ng mga serbisyo sa kabila ng mga isyung kinahaharap ng ahensya.
Ayon sa datos ng PhilHealth noong 2024, ang pneumonia ang nangungunang kondisyon na nire-reimburse ng ahensya, na umabot sa P11.9 bilyon mula sa 648,355 claims. Kasunod nito ang dengue fever, acute gastroenteritis, at iba pang sakit tulad ng stroke at anemia. Sa kabila ng mga serbisyong ito, nananatiling hamon para sa PhilHealth ang maibalik ang tiwala ng publiko habang hinaharap ang mga isyung pinansyal at sistema ng pondo.