
Ang bumagsak na eroplano kahapon sa Maguindanao del Sur ay kinilalang US Department of Defense-contracted surveillance aircraft na nagsasagawa ng intelligence operations sa kahilingan ng mga awtoridad ng Pilipinas. Apat na tao ang nasawi sa insidente.
Kinumpirma ng US Indo-Pacific Command sa isang pahayag noong Biyernes, Pebrero 7, na kabilang sa mga biktima ang isang miyembro ng US military service at tatlong defense contractors.
Hindi muna inilalabas ang kanilang pagkakakilanlan hanggang maabisuhan ang kanilang mga pamilya.
Ayon sa pahayag, ang eroplano ay nagsasagawa ng routine intelligence, surveillance, at reconnaissance mission bilang bahagi ng US-Philippine security cooperation activities nang mangyari ang insidente.
"Iniimbestigahan pa ang sanhi ng pagbagsak, at wala pa kaming karagdagang detalyeng maaaring ibahagi sa ngayon," ayon sa Indo-Pacific Command.
Sinabi rin nila na magbibigay sila ng karagdagang updates kung magiging available ang impormasyon.
Tradisyunal na naka-deploy ang US forces sa ilang bahagi ng Mindanao bilang suporta sa counterinsurgency efforts ng Philippine military laban sa mga militanteng grupo.
Noong Nobyembre 2024, nilagdaan ng Pilipinas at Estados Unidos ang isang military intelligence-sharing agreement na nagtatakda ng mga protocol para sa pagbabahagi ng mga lihim na militar sa pagitan ng dalawang bansa, ngunit hindi nito inaatasan ang alinman sa dalawang panig na ibahagi ang sensitibong datos.