Mula sa libu-libong manggagawang nawalan ng trabaho sa Internet Gaming Licensees (IGLs) na dumalo sa job fair sa Pasay City, tanging 100 lang ang agad na natanggap, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Sabado, Pebrero 1.
Ang Career Con 2025 job fair, na tumagal ng dalawang araw, ay nag-alok ng mahigit 8,000 bakanteng trabaho mula sa hindi bababa sa 150 kumpanyang lumahok.
Ayon sa DOLE, bagama't 18,000 manggagawa ang nagpakita ng interes sa job fair, halos 8,000 lang ang aktwal na dumalo.
Sa isang forum sa Quezon City, ipinaliwanag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang mababang bilang ng mga natanggap ay dulot ng ilang dahilan—may mga manggagawang naghihintay pa rin ng muling pagbubukas ng POGO, may iba nang may trabaho, at marami ang hindi nasiyahan sa inaalok na sahod.
"Patuloy naming inaabot ang mga naapektuhan dahil batay sa tala, tinatayang nasa 40,000 IGL workers ang direktang naapektuhan ng pagsasara ng POGOs," ani Laguesma.
Ayon sa DOLE, karamihan sa mga dating IGL workers ay nagtrabaho sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, at Central Visayas, kung saan ang kanilang buwanang sahod ay nasa pagitan ng P16,000 hanggang P22,000.
Upang matulungan ang mga apektadong manggagawa, nag-aalok ang DOLE ng skills enhancement programs at puhunang hanggang P30,000 para sa mga nais magsimula ng maliit na negosyo.