Dalawampu’t apat na Pilipino ang na-deport mula sa Estados Unidos dahil sa pagkakasangkot sa ilang iligal na aktibidad, bagama’t hindi malalaking krimen, ayon kay Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez. Sa panayam sa dzBB kahapon, sinabi ni Romualdez na ang mga na-deport ay may kinalaman sa maliliit na krimen ngunit hindi malubhang paglabag. “Ang bilang namin ay mga nasa 24. Na-deport na sila dahil sila ay … hindi malalaking krimen, pero sila ay nasangkot sa ilang iligal na aktibidad,” aniya.
Pinaalalahanan ni Romualdez ang mga Pilipino na walang legal na status sa US na huwag nang maghintay ng deportation at boluntaryong bumalik sa Pilipinas o magsimula nang ayusin ang kanilang mga dokumento. Ayon sa kanya, may maliit na pag-asa para sa mga kasalukuyang nagtatrabaho at nagbabayad ng buwis na makakuha ng legal na status, lalo na kung susuportahan sila ng kanilang employer.
Ipinahayag ng Philippine Embassy at mga Consulates General sa US na paiigtingin nila ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng US upang matiyak ang proteksyon ng mga karapatan at kapakanan ng mga Pilipino. Sa kabila ng mga pagbabago sa immigration policy sa ilalim ni Pangulong Donald Trump, tiniyak nila ang patuloy na pagbibigay ng consular services sa lahat ng Pilipino, anuman ang kanilang immigration status.
Sinabi rin ng embahada na may karapatan ang lahat ng Pilipino sa US, anuman ang kanilang legal na kalagayan. Sa isang post sa Facebook, binigyang-diin ng embahada na naroroon sila upang tiyakin ang kaalaman, kaligtasan, at suporta para sa mga Pilipino. “Kabayan, karapatan mong malaman ang iyong mga karapatan,” pahayag nila.
Ayon sa White House, daan-daang iligal na immigrant na kriminal ang inaresto noong Huwebes, at marami ang pinalipad palabas ng bansa gamit ang military aircraft. Paulit-ulit namang binigyang-diin ni Trump ang kanyang pangakong isagawa ang pinakamalaking kampanya ng deportasyon sa kasaysayan ng Amerika, na nagdulot ng pangamba sa maraming undocumented immigrant.